a small selection of my favorite poems in Filipino
Sonetong Hindi Kailangang Nasulat
Sonetong Hindi Kailangang Nasulat
Rico Abelardo
Hindi kailangan na nariyan ka
pero nariyan ka nga at nakangiti pa
Hindi kailangan na kilala kita
pero heto at naguusap tayo
Hindi kailangan na ibigin ka
pero ikaw lagi ang laman ng aking alaala
Hindi kailangang ipagtapat ang damdaming ito
pero ipagtatapat ko dahil totoo
Hindi mo kailangang umoo
pero tumugon ka sana kahit paano
May mga bagay na hindi kailangang narito
pero totoo at nasa harap ko
Kaya’t kailangang galangin
katulad ng pag-ibig ko sa ‘yo.
Awit Kay Ana
Eduardo Calasanz
Walang ginagawa ang mga bituin
Kundi pagmasdan ang mga mangingibig.
Isang gabi, kapag ikaw ay umiibig,
Tumingala ka sa mga bituin.
Malasin mo ang kanilang ningning,
Ligaya mo'y sinasalamin.
Mabait ang mga bituin.
Sa mga mangingibig
Isa lamang ang hiling:
Umibig, umibig, at umibig
Nang may magawa ang bituin.
Walang ginagawa ang mga bituin
Kundi pagmasdan ang mga mangigibig.
Isang gabi, kung masawi ka sa pag-ibig
Tumingala kang muli sa mga bituin;
Pati liwanag, nagiging dilim
At tamis ng puso'y dahan-dahang umaasim.
Malupit ang mga bituin.
Sa mga bigo sa pag-ibig
Labis ang hinihiling:
Umibig, umibig at umibig pa rin,
Nang may magawa ang mga bituin...
Mangyari Lamang
Rico Abelardo
Mangyari lamang ay tumayo
ang mga nagmahal
nang makita ng lahat
ang mukha ng pag- ibig
ipamalas ang tamis
ng malalim na pagkakaunawaan
sa mga malabo ang paningin
mangyari lamang ay tumayo rin
ang mga nagmahal at nasawi
nang makita ng lahat
ang mga sugat ng isang bayani
ipadama ang pait ng kabiguan
habang ipinagbubunyi
ang walang katulad na kagitingan
ng isang nagtaya
mangyari lamang ay tumayo
ang mga nangangambang magmahal
nang makita ng lahat
ang kilos ng isang bata
ipamalas ang katapatan ng damdamin
na pilit ikinukubli
ng pusong lumaki sa mga engkanto at diwata
mangyari lamang ay tumayo
ang mga nagmahal, minahal at iniwan
ngunit handa pa ring magmahal
nang makita ng lahat ang yaman ng karanasan
ipamalas ang katotohanang nasaksihan
nang maging makahulugan
ang mga paghagulgol sa dilm
at sa mga nananatiling nakaupo
mangyari lamang ay dahan- dahang tumalilis
papalabas sa nakangangang pinto
umuwi na kayo
at sumbatan ang mga magulang
na nagpalaki ng isang halimaw
at sa lahat ng naiwang nakatayo
mangyari lamang ay hagkan ang isa’t isa
at yakapin ang mga sugatan
mabuhay tayong lahat na nagsisikap na makabalik
sa ating pinagmulan
manatiling masaya
at higit sa lahat magpatuloy
sa pagmamahal